Kawatan, arestado sa Navotas

NAARESTO ng mga awtoridad ang isang magnanakaw matapos maiwan sa loob ng bahay ng biktima ang kanyang bag na naglalaman ng identification card nito sa Navotas City.

Kinilala ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging ang naarestong suspek na si Mark Cedfred Pagacpas, 32 anyos, ng Taquino St., Brgy., Bangculasi.

Lumabas sa imbestigasyon ni PSSgt. Joseph Provido, dakong ala-una ng madaling araw nang pasukin ng suspek ang bahay ng biktimang si Wilmer Agan, 62 anyos, isang handicraft maker sa Galicia Extension St., Brgy. Bangculasi sa pamamagitan ng pagsira ng kandado sa pinto saka tinangay ang dalawang cellphone, DVD player, tatlong t-shirt at rubber shoes.

Matapos nito, mabilis na tumakas ang suspek subalit naiwan sa loob ng bahay ng biktima ang kanyang bag na naglalaman ng Identification card na inisyu ng barangay.

Nang dumating ang biktima at kanyang pamilya sa kanilang bahay kinagabihan ay narekober nito ang bag ng suspek kaya’t agad siyang humingi ng tulong sa mga barangay tanod at pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto kay Pagacpas.

Narekober sa suspek ang tatlong t-shirt at rubber shoes habang hindi na nabawi ang dalawang cellphone at DVD player.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.