NAGSASAGAWA ngayon ng malalimang imbestigasyon ang Manila Police District (MPD) sa ginawang pananambang sa isang kawani ng Bureau of Customs (BOC) sa Binondo, Maynila kagabi.
Base na nakuhang paunang impormasyon, kinilala ang biktima na si Eudes Nerpio, Section Chief ng Section 1B Bureau of Customs-Manila International Container Port (BOC- MICP).
Alas 7:44 Biyernes ng gabi nang mangyari ang pananambang habang binabagtas ni Nerpio ang Plaza Cervantes patungong Quintin Paredes St. at San Vicente St., Binondo, Maynila.
Lulan ito ng kanyang Toyota Innova na kulay gray nang barilin sa ulo ng nag-iisang gunman na nakasakay sa isang motorsiklo at nakasuot naman ng black jacket at grey helmet.
Naitakbo pa sa Manila Medical Center Hospital ang biktima ngunit idineklarang patay pasado alas 8 ng gabi.
Napag-alaman din na may pasahero ang biktima na nakilalang si Cris Erna kung saan ligtas sa pamamaril at walang tinamong anumang sugat.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente habang inaalam ang posibleng motibo sa pananambang kung may kinalaman ito sa kanyang trabaho bilang kawani ng BOC.