Kargamento ng vape na may halong marijuana, nasabat ng BOC sa Clark

ISANG kargamento na naglalaman ng halos 200 marijuana-infused vape ang tinangkang ilusot sa Port of Clark subalit nasabat naman ng Bureau of Customs (BOC).

Ang pagkasamsam sa ilegal na kargamento ay pinangunahan ng mga tauhan ng BOC – Port of Clark at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Ayon sa BOC, dumating ang kargamento noong Huwebes, Agosto 29, 2024 sa Clark International Airport mula sa Estados Unidos.

Ayon pa sa BOC, naka-address ang kargamento sa Cebu City at idineklara bilang mga gamit pang-dekorasyon sa bahay.

Sa x-ray scanning natuklasan na ang mga kahon ng vape device ay diumano’y may iba’t-ibang flavoring ng marijuana.

Ang mga nakumpiska ng BOC-Port of Clark na mga gamit na nagkakahalaga ng P350,000 ay nai-turn over na sa PDEA.

Tiniyak naman ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio na mapaparusahan ang consignee na nasa likod ng kargamento.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.