INIHAYAG ni Commission on Elections (Comelec) Chairperson George Erwin Garcia na wala na siyang planong mag-file ng “ethics complaint” laban kay SAGIP party-list Representative Rodante Marcoleta.
Ito ay sa gitna ng mga akusasyon ng mambabatas na mayroon siyang mga offshore account, na mariin nang itinanggi ng poll body chief.
“Ako naman talaga, nung una sinasabi ko na na wala naman talaga akong intensyon mag-file ng kaso… so ‘yung ginawa sa akin ay ipagpapasa-Diyos ko na lamang,” ayon kay Garcia.
Maaalala na inakusahan ni Marcoleta ang ilang opisyal ng Comelec na umano’y tumanggap ng P1 bilyon halaga ng deposito o suhol gamit ang ilang mga bank account na ayon sa kongresista ay nakatanggap ng deposito mula sa mga bangko sa South Korea para sa procurement ng automated election system (AES) ng isang kumpanya mula sa nasabing bansa.
Nauna nang itinanggi ni Garcia ang alegasyon at hiniling sa National Bureau of Investigation (NBI) at Anti-Money Laundering Council (AMLC) na magsagawa ng imbestigasyon. Nagpadala rin ito ng mga kaugnay na dokumento sa US Department of Justice (DOJ).
Samantala, sinabi ni Garcia na nagpadala siya ng liham sa Bayanihan Para sa Karangalan at Kaunlaran ng mga Pilipino (BAYANIHAN) na humihimok sa kanila na ibasura ang ethics complaint at disbarment case na inaasam nitong isampa laban kay Marcoleta.
Noong nakaraang buwan, nagsampa rin si dating Caloocan Representative Edgar Erice ng anti-graft and corrupt practice complaint laban kay Garcia at iba pang opisyal ng Comelec sa Office of the Ombudsman dahil sa P18 bilyong kontrata na iginawad sa South Korean firm na Miru Systems.
Nagpahayag naman si Garcia ng kahandaang humarap sa imbestigasyon.

