WALONG indibidwal, kasama ang dalawang taong gulang na angkas ng isang motorsiklo, ang sugatan matapos maipit sa salpukan ng ambulansya at delivery truck sa isang panulukan sa Barangay Lourdes, Quezon City, Martes ng hapon.
Maliban sa mag-anak na lulan ng motorsiklo, sugatan din ang mga drayber ng dalawang sasakyan gayundin ang mga pahinante ng delivery truck at isa pang pasahero ng ambulansya.
Batay sa kuha ng CCTV ng barangay, makikitang halos magkasabay ang mabilis na pagtakbo ng ambulansya sa Cordillera Street habang galing sa Cuenco Street ang closed van nang magkasalpukan sila sa panulukang pinangyarihan ng insidente.
Nagkataon huminto sa kanto ang nakamotorsiklong lalaki at babae na may kalong na bata ngunit ilang segundo lamang ay rumagasa na ang nagbanggaang ambulansya at delivery truck sa kanilang kinaroroonan at sila’y naipit.
Isinugod sa East Avenue Medical Center ang tatlong miyembro ng pamilya at isasailalim sa CT scan at iba pang pagsusuri ang bata. Dinala naman sa Orthopedic Hospital ang dalawang sugatang pahinante ng trak.
Ayon sa QCPD Traffic Sector 1, walang ihinahatid ang ambulansya ngunit sinabi sa kanila ng drayber nito na may hinahabol na kukuning pasyente.
Patuloy pang sinisiyasat ng pulisya ang insidente.

