SINABI ng Maritime Industry Authority (MARINA) na dinagdagan na ang kapasidad ng mga pampasaherong barko sa Pilipinas.
Sa ipinalabas na Advisory 2021-57, maaari nang magsakay ng mga pasahero ng hanggang 70 percent na kapasidad ang mga barko simula bukas, Nobyembre 4.
Kasabay ng pagluluwag, mahigpit pa ring paalala ng MARINA na sundin ang mga pinaiiral na health and safety protocols gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield sa mga pasahero, bawal ang kuwentuhan at hindi mahalagang tawag sa phone, pagbabawal sa pagkain sa mga barkong nasa category 2 (yaong mga biyahe na wala pang apat na oras ang paglalayag).
Dapat ding pairalin ang social distancing sa lahat ng oras at bawal ang mass gathering on-board, paglalagay ng sapat na bentilasyon upang maiwasan ang sirkulasyon ng virus sa mga saradong lugar, at pagsasagawa ng disinfection sa mga common areas at mga toilet matapos na bumaba ang mga pasahero.
Kailangan ding panatilihin ang isang metrong distansiya sa pila ng mga pasahero na sasakay o bababa ng barko.