Kaparian sa Archdiocese of Manila, hinikayat na magtatag ng community pantry

Share this information:

Hinikayat na rin ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Broderick Pabillo na magtatag na rin ng community pantry ang mga kaparian sa arkidiyosesis.

Bilang isa ring chairman ng Commission on Laity ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), ikinatuwa ni Pabillo ang pagtutulungan ng mga mamamayan upang maibsan ang paghihirap  ng kapwa dulot ng coronavirus (COVID-19) pandemic.

Ayon sa obispo, ito ay kongkretong hakbang na nagpapakita ng pagiging bukas palad sa pangangailangan ng kapwa.

We commend the initiative of the community pantry kasi ito po ay nagpapakita ng pagtutulungan; it’s a very good way of spreading generosity and bayanihan among us,” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.

Kamakailan ay pinasimulan ng isang mamamayan ng Maginhawa Street sa Quezon City ang Maginhawa Community Pantry kung saan naglalagay ng iba’t ibang uri ng pagkain tulad ng bigas, gulay, de lata at iba pa sa tabi ng daan kalakip ang paalalang “Magbigay ayon sa kakayahan, kumuha batay sa pangangailangan.”

Nag-viral online ang naturang adbokasiya na agad lumaganap hindi lamang sa Metro Manila kundi sa buong bansa.

Paalala ni Bishop Pabillo sa mamamayan na kumuha lamang ng sapat upang mabigyan ng pagkakataon ang iba na magkaroon ng pagkain sa hapag kainan.

Hinihiling lang natin na we get what we need for that day believing that God will provide for another day; iwasan po ang hoarding na pansarili lamang,”  ani Bishop Pabillo.

Naniniwala si Bishop Pabillo na kung mas maraming  mga community pantries sa buong bansa mas higit na pansamantalang matutulungan ang mga mamamayan sa kanilang pang araw-araw na pangangailangan.

Dahil dito hinimok ni Bishop Pabillo ang mga parokya sa arkidiyosesis lalo na ang mga Basic Ecclesial Communities (BEC) na tularan ang magandang inisyatibo.

Umaasa rin ang obispo na bukas sa pagtugon ang mga may kakayahang tumulong sa paglunsad ng mga community pantry upang higit na maipadama sa pamayanan ang diwa ng pag-ibig ni Kristong muling nabuhay at ang diwa ng pagtutulungan lalo na sa panahon ng krisis.

Una nang sinabi ng National Economic Development Authority na mahigit sa tatlong milyong indibidwal sa Metro Manila ang nakararanas ng kagutuman dahil sa pandemya habang iniulat naman ng Department of Labor and Employment ang mahigit sa dalawang milyong Pilipino ang nawalan ng trabaho sa dalawang linggong enhanced community quarantine (ECQ).

Sinabi naman ni Diocese of Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara, ang Southwest Luzon Regional Representative ng CBCP, na  isang magandang halimbawa at pagpapamalas ng pagmamalasakit at pagtulong sa mga nangangailangan ang sinisimbolo ng community pantry na naglalayong makatulong maging sa simple ngunit sama-samang pamamaraan.

Pinaalalahanan naman ng Obispo ang lahat na patuloy paring mag-ingat at sumunod sa mga ipinatutupad na safety health protocols upang maiwasan ang patuloy pang pagkalat ng COVID-19 virus.

Sinabi ni Bishop Vergara na mahalagang patuloy na maging maingat ang lahat lalo na sa iba’t ibang mga COVID-19 variants.

Nagsimula ang community pantry sa Maginhawa, Quezon City na bukas para sa lahat kung saan maaaring kumuha ang sinuman ng mga pagkain batay sa kanilang pangangailangan habang maaari ding magbigay ang sinuman ng tulong o donasyon ayon sa kanilang kakayahan.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.