Pinakikilos ng Department of Health (DOH) ang mga local governemnt units (LGUs) na i-monitor ang mga nagsulputang mga community pantry sa kanilang mga nasasakupan.
Sa harap ito ng pangamba na pagmulan ng pagkalat ng COVID-19 ang mga community pantry dahil sa pagsisiksikan ng mga tao at hindi pagsunod sa minimum public health standards.
Ayon kay DOH Usec. Ma. Rosario Vergeire, dapat tingnan at magabayan ang mga naglatag ng community pantry upang masunod pa rin ang health protocol at maiwasan ang pagkalat ng sakit o hawahan.
Sa mag nagsulputang community pantry sa Maynila, mahaba na ang mga pila ng mga residente na umaasang makakakuha ng kanilang pagkain o pangangailangan.
Kabilang sa naglagay na ng community pantry sa Maynila ay sa Intramuros at P. Noval St. sa Sampaloc.
Kapansin pansin din ang ilang mga indibidwal na hindi na nasusunod ang physical distancing at tamang pagsusuot ng facemask lalo na sa P. Noval sa Sampaloc.
Ang nasabing inisyatibo ay unang ginawa sa Quezon City na layong matulungan ang higit na nangangailangan sa panahon ng pandemya kung saan maraming pamilya ang naapektuhan at nawalan ng trabaho.

