ANG isang kandidato na madidiskwalipika bago ang halalan ay maaari umanong palitan, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Ito ang paglilinaw na ginawa ni Comelec Senior Commissioner Rowena Guanzon, kaugnay sa ginawang pagbasura ng Comelec Second Division sa petisyon na kanselahin ang certificate of candidacy (COC) ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa Eleksyon 2022 dahil sa kawalan ng merito.
Sinabi ni Guanzon sa Facebook live na nagkamali ang petitioner ayon sa Second Division resolution.
Ayod kay Guanzon, isa lamang dapat ang ground sa kanselasyon, na si Marcos ay gumawa ng maling representasyon sa COC kung kaya dapat ikansela ang kanyang COC.
Isa lamang ang nabasurang petisyon sa mga inihain laban sa kandidatura ni Marcos
Mayroon pang nakabinbing disqualification case laban kay Marcos sa Comelec First Division, kung saan miyembro si Guanzon, kasama sina Commissioners Marlon Casquejo at Aimee Ferolino-Ampoloquio.
Nilinaw ni Guanzon na ang cancellation case ay iba sa disqualification case.
Ayon kay Comelec senior commissioner, sa disqualification case, ang nadiskuwalipikang kandidato ay maaari umanong palitan pero kailangan ay kapartido o kaapelyido.
“Ano’ng resulta kapag nakansela ang COC? Ibig sabihin sa simula pa lang dapat invalid or void ang kanyang COC, ibig sabihin parang wala siyang na-file na COC. Ang ibig sabihin po ng cancellation ang resulta po niyan hindi po siya puwedeng makapag-substitute,” paliwanag ni Guanzon.
“Ano po ang kaibahan niyan sa doon po sa disqualification na hawak namin? Ang resulta po ‘pag siya ay na-disqualified ay puwede siyang mag-substitute basta kapartido niya at magkapareho ng apelyido. Hindi po kailangang magkamag-anak sila basta magkaapilyedo po sila at pareho sila ng political party,” sabi pa nito.
Ang pagpapalit din ng nadiskuwalipikang kandidato ay maaaring gawin “before noon of Election Day” pahayag nito.
Dagdag pa nito, maaaring iapela sa Comelec En Banc at Korte Suprema ang desisyon ng Comelec Division.
Ayon kay Guanzon, ang Supreme Court ang siyang may huling desisyon sa tinatalakay na petisyon.
“Puwede pa pong umapela ang mga natalo sa aming Commission En Banc. Mula po sa Commission En Banc ang partido na hindi sang-ayon sa aming desisyon ay maaaring umakyat po sa Korte Suprema doon po talaga ang final na desisyon sa mga issue na ito,” pahayag pa ni Guanzon.

