SINABI ng Department of Education (DepEd) na ang mga gurong nasa edad 65 pababa at walang comorbidities ay maaaring makilahok sa pilot implementation ng face-to-face classes sa bansa kahit hindi pa bakunado.
Pinahihintulutan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pilot implementation ng face-to-face classes sa mga COVID-19 low-risk areas sa bansa.
Ito ay lalahukan lamang ng 120 mga paaralan sa bansa: 100 na mga pampublikong paaralan at 20 galing sa pribado. Ang mga ito ay kinakailangang pumasa sa safety assessment ng DepEd, matatagpuan sa minimal-risk areas base sa pamantayan na itinakda ng Department of Health (DOH), at mayroong suporta ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng isang resolusyon o sulat ng pagsuporta.
Ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones, “Ang mga teachers natin, mga staff na 65 years old and below, kung walang comorbidities, pwede silang sumali sa programa, pwede silang mag-serve regardless of their vaccination status. This is because of the human rights declaration tungkol sa right of individuals concerning their health.”
Dagdag pa niya na hindi pa naman mandatory ang pagpapabakuna bagkus ito ay voluntary. Gayunpaman, naniniwala siyang may sapat na bilang na ng mga guro ang bakunado na makikilahok sa pilot face-to-face classes.
Isasagawa ang pilot na may kombinasyon ng face-to-face classes sa paaralan at distance learning modalities nang dalawang buwan. Ang face-to-face classes ay dapat na isagawa nang half-day nang pasalit-salit na linggo, na ang mga kalahok na paaralan ay titiyakin na ang iskedyul ng klase ay nakaayos upang lahat ng kwalipikadong mga mag-aaral ay magkaroon ng oportunidad na makadalo ng face-to-face classes.
Ayon kay Briones, pumalo sa 27,583,701 ang mga enrollee sa formal education habang sa non-formal education, umabot na 202,603 estudyante ang mga nag-enroll.

