Breaking News

Share this information:

BINAWI na ni dating vice president at broadcaster Noli de Castro ang kanyang kandidatura bilang senador sa May 9, 2022 national elections.

Si de Castro ay miyembro ng partido Aksyon Demokratiko ni Manila Mayor Francisco Domagoso na tumatakbo naman bilang pangulo.

Sa kumakalat na pahayag sa social media ni de Castro, inanunsyo nito ang kanyang pag-atras o withdraw.

Nitong mga nakaraang araw, taimtim kong pinag-isipan ang desisyong pagbalik bilang isang mambabatas. At kamakailan, naghanda ako sa posibilidad na pagtakbo sa pagka-senador sa darating na halalan. Ang nag-udyok sa akin ay ang hangaring muling bigyan ng boses sa Senado ang ating mga kababayan, lalung-lalo na ang mga ordinaryong Pilipino, na ang tanging hangarin ay mabuhay ng maayos, payapa, at may dignidad sa gitna ng pandemya. Isinumite ko ang aking kandidatura sa Comelec noong Biyernes. Ngunit, nagkaroon ng pagbabago ang aking plano. Nais kong iparating sa lahat ng aking mga kaibigan at supporters na naghahanda na sanang tumulong sa akin, na nagpasiya akong hindi na ituloy ang aking kandidatura,” bahagi ng pahayag ng brodkaster.

Gayunman, sinabi nitong hindi nagbago ng kanyang layunin at hangarin na makatulong sa bayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng boses sa mga kababayang Pilipino gamit ang plataporma ng pamamahayag.

Pinasalamatan din nito ang Aksyon Demokratiko sa ibinigay na tiwala sa kanya. 

Sa ngayon, wala pang reaksyon o komento ang Comelec hinggil dito kung natanggap na nga ba ang statement of withdrawal ni de Castro.

Kasunod ng pahayag ni Castro, sinabi ni Manila Mayor Domagoso na iginagalang nila ang naging desisyon nito.

Sinabi ni Domagoso, na siyang pinuno ng Aksyon Demokratiko, may mga personal na dahilan si de Castro kung bakit hindi na siya tutuloy sa pagkandidato bilang senador.

Simula pa lamang nang puntahan ng grupo si de Castro para kumandidato ay pinag-isipan muna niya ito bago nakapag-desisyon.

Sa kabila nito, umaasa ang Aksyon Demokratiko na ipagpapatuloy pa rin niya ang pagtulong sa publiko at suporta sa kanilang partido.

Ayon naman kay Aksyon Demoktstiko Chairperson Ernest Ramel, bahagi pa rin ng partido si de Castro kahit siya ay nag-withdraw kung saan kokonsulta pa rin sila sa dating bise presidente lalo na’t marami itong nalalaman pagdating sa usapin ng serbisyo publiko.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: