Jeepney barker, tiklo sa patalim, shabu sa Valenzuela

REHAS na bakal ng kulungan ang kinabagsakan ng isang 30-anyos na jeepney barker matapos itong makuhanan ng patalim at shabu sa Valenzuela City.

Kinilala ni Valenzuela Police Sub-Station 2 commander, Police Major Randy Llanderal ang nadakip na suspek na si Kim Bryan Capistrano at residente ng Barangay Gen. T. De Leon, Valenzuela City.

Ayon kay Major Llanderal, habang nagsasagawa ng regular na pagpapatrolya ang kanyang mga tauhan sa kahabaan ng M. Delos Reyes St., Brgy. Gen T. De Leon dakong alas-10 ng umaga nang maispatan nila si Capistrano na may bitbit na patalim.

Nang sitahin ng mga pulis ay hindi naman pumalag ang suspek nang kunin sa kanya ang dalang patalim at nang kapkapan ay nakuhanan pa siya ng tatlong transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P2,040 ang halaga.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at BP 6 (Illegal Possession of a Deadly Weapon) in relation to Comelec Resolution 10728.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.