BINALAAN ngayon ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang mga jeep at UV Express driver sa lungsod ng Maynila na mahaharap sila sa mataas na multa at posibleng pagkakabawi ng kanilang prangkisa kung patuloy silang magsasagawa ng “cutting trip.”
Ginawa ni MTPB Chief of Operation Wilson Chan Sr. ang babala makaraang mahuli ang isang UV Express driver na kinilalang si Raymark Borja na may biyaheng SM Fairview to Buendia at vice versa.
Ang “cutting trip” ay ang hindi pagkumpleto o hindi pagsunod ng isang tsuper ng public utility vehicle (PUV) sa rutang nakasaad sa kanyang prangkisa.
Batay sa ulat ng traffic enforcer na si Alvin Felicidario, sinita nila ang nasabing driver ng UV Express dakong alas-7:30 ng gabi noong Mayo 7, 2024 sa kanto ng Taft Ave. at Pedro Gil sa Ermita dahil sa “illegal display of signboard” dahil imbes na hanggang SM Fairview ang kanyang biyahe ay hanggang Litex lamang umano ito.
Ang kaso ng UV Express driver ay ihahain ng MTPB sa kanilang Adjudication Board upang madesisyunan kung anong legal na aksyon ang kakaharapin nito, gayundin ng kanyang operator.
Nabatid kay Chan na sa oras na mahuli nila ang driver na nagcutting-trip ay pagmumultahin nila ito ng P1,500 habang nasa P2,500 na multa naman sa mga mahuhuling UV Express at dadalhin sa impounding area ang sasakyan na kanilang minamaneho.
“Hindi lahat ng dinadala sa impounding ay impound na, bine-verify po muna natin ang lahat ng kanilang mga papeles,” paliwanag ni Chan.
Bukod dito, dadalhin pa sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kanilang paglabag upang maberipika kung ang isang driver na nahuli ay paulit-ulit nang lumalabag sa nasabing panuntunan.