Jail officer na nabaril ng 2 preso sa hostage taking sa Marikina City Jail, binawian ng buhay

BINAWIAN na ng buhay ang jail officer na nabaril ng dalawang preso sa nangyaring hostage taking sa Marikina City Jail nitong araw ng Huwebes.

Sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center (ARMMC) nasawi habang ginagamot ang jail officer na hindi muna pinangalanan ng pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).  

Ayon kay Marikina City Police Office Director Police Col. Benliner Capili, nagtamo ng tama ng bala sa tiyan ang biktima na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Isa pang jail officer na nabaril ng dalawang hostage taker ay patuloy na ginagamot dahil sa tama ng bala sa kanyang paa.

Base sa ulat, nagsasagawa ng medical check-up ang dalawang nurse ng BJMP sa 2 preso nang biglang mang-agaw ang mga ito ng service firearm ng jail officer.

Agad na rumesponde ang mga pulis at nagkaroon ng negosyasyon na tumagal ng 30 minuto.

Nang nakitang delikado ang buhay ng mga hostage, nakipagbarilan na ang mga pulis na nagresulta sa pagkakasawi ng mga suspek.

Hanggang sa isinusulat ang ulat na ito ay wala pang inilalabas ang BJMP sa pangalan ng mga nasawi.

Isa naman nakikitang anggulo kung bakit nangyari ang hostage taking ay ang umanoy tangkang pagtakas ng mga suspek.

Samantala, sinabi naman ni BJMP spokesperson Jail Chief Insp. Xavier Solda na kasunod ng insidente ay inilagay na sa red alert ang lahat ng kulungan ng BJMP sa National Capital Region (NCR),

Magkakaroon din ng debriefing ang mga jail officer para maiwasan ang kahalintulad na insidente. Ipinag-utos na rin ni BJMP Chief Jail Director Allan Iral ang malalimang imbestigasyon sa nangyaring hostage taking.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.