Muling umapela ang Department of Health (DOH) sa publiko na manatili lamang sa loob ng bahay kung wala namang mahalagang gagawin upang maiwasan ang pagkalat ng mga bagong kaso ng COVID-19.
Ipinaalala din ng DOH sa publiko na iwasan ang tatlong C’s, (Closed spaces, Crowded places, and Close contact settings).
Sa paparating na Holy Week o Semana Santa, hinikayat ng DOH ang lahat na iwasan ang malalaking pagtitipon at gawin na lamang ang mga religious activities sa bahay.
Payo ng DOH, mahigpit na sundin ang mga minimum public health standards sa lahat ng private at public settings upang maiwasan ang transmission ng COVID-19 at maiwasan na rin ang mutations.
Ginawa ng DOH ang paalala makaraang muling madagdagan ang mga kaso ng UK variant at South African variant bukod pa sa natukoy na P.3 variant case.
Sa ngayon, umabot na sa 46 ang UK variant o B.1.1.7 habang 152 kaso naman ang South African variant o B.1.351 variant.