ANG Commission on Elections (Comelec) ay nakikipag-ugnayan na sa Philippine consulate sa Hong Kong upang maberipika ang ulat ng umano’y “vote buying” sa nakaraang political rally para sa Eleksyon 2025.
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na hindi pa nila makumpirma ang mga social media post kung saan sinasabing nakatanggap umano ang bawat overseas Filipino voter na dumalo sa nasabing rally ng HKD200 o katumbas ng P1,500.
Ayon kay Garcia, nakikipag-ugnayan na ang Comelec sa konsulada sa Hong Kong para makakuha ng mga balita tungkol sa nasabing isyu.
Dagdag pa niya na wala pa silang natatanggap na reklamo o liham tungkol sa insidente pero kapag napatunayang totoo, ang tiwaling kandidato ay mahaharap sa diskwalipikasyon.
Walang ding criminal charges na maihahain laban sa kanila dahil sa usapin ng territoriality o dahil nangyari ito sa labas ng bansa.
Ayon kay Garcia, sakaling matanggap agad ang reklamo at liham, agad na ie-endorso ng Comelec ang kaso sa komite ng “Kontra Bigay,” na muling inilunsad noong Pebrero upang labanan ang vote-buying, vote selling at pag-abuso sa state resources para sa nalalapit na May mid-term elections.

