Breaking News

Share this information:

PORMAL nang naghain ng kandidatura para sa pagka-presidente at bise presidente sina Manila Mayor Francisco Domagoso at Dr. Willie Ong nitong Lunes ng umaga sa Commission on Elections (Comelec).

Nabatid na itinapat nina Domagoso at Ong ang paghahain ng kandidatura nitong Oktubre 4, ang ikaapat na araw ng COC filing para sa May 9, 2022 elections, kasabay ng kapistahan ni St. Francis of Assissi at kaarawan ng yumaong TV host na si German Moreno, na siyang naging tatay-tatayan ng alkalde at daan upang sumikat siya bilang artista at makaahon sa kahirapan hanggang sa tuluyang pumalaot sa larangan ng politika.

Magkasabay na nagtungo sa tanggapan ng Comelec sa Harbor Garden Tent ng Hotel Sofitel sa  Pasay City sina Domagoso at Ong para isumite ang kani-kanilang certificate of candidacy (COC). Kapwa sila tatakbo sa ilalim ng Aksyon Demokratiko party, kung saan si Moreno ang siyang pangulo.

Bago nagtungo sa Comelec, bumisita muna sa Sto. Niño Church ang dalawang kandidato, sabay pagbibigay-linaw ni Domagoso na hindi siya secret candidate ni Pangulo Rodrigo Duterte. 

Sa kanyang maikling pahayag, binanggit ni  Domagoso ang lahat ng mga taong nasa likod ng kanyang tagumpay mula sa kanyang mga magulang, guro at nakasama sa trabaho.

Binanggit din nito na dahil sa pandemya ay naipapakita ang pagmamahal at pagmamalasakitan sa kabila ng galit at poot sa bawat isa.

Sa kanyang pagtakbo sa mas mataas na posisyon sa gobyerno, hiniling nito sa mamamayan na tanggapin ang kaniyang aplikasyon bilang pangulo ng bansa  at bigyan siya ng pagkakataon na makatulong at mapaglingkuran ang mga kababayan sa buong bansa “Ako ay magiging kaisa ninyo upang pigilan na ang pagkahati hati ng buong mamamayan.” 

Sinabi naman ni Dr. Ong na magkasama sila ni  Domagoso para mag-focus na hilumin ang bansa at hindi para magfocus sa away pulitika.

Dumating naman sa  Sofitel ang mga taga-suporta ni Domagoso ang IM Pilipinas kung saan naghintay sila sa  labas ng Sofitel tent bitbit ang banner na “Isko Moreno” for President.

Sa kanilang senatorial slate, nauna nang naghain kahapon ng kanyang COC si Samira Gutoc, kilalang Marawi civic leader.

(May dagdag ulat mula kay Joyce Fernan)

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: