Isa todas, isa sugatan sa pamamaril sa Navotas

Share this information:

PATAY ang isang 39-anyos na mangingisda matapos pagbabarilin ng hindi kilalang suspek habang sugatan naman ang isang tsuper na tinamaan ng ligaw na bala sa Navotas City kamakalawa ng hapon.

Patay na nang madala sa Navotas City Hospital sanhi ng tinamong tama ng bala sa katawan si Marlon Jorje, residente ng 478 B Cruz. St. Brgy. Tangos South habang nilapatan naman ng lunas sa naturan ding pagamutan si Noey Bacaycay, 56 anyos, residente rin ng B. Cruz Street na tinamaan ng bala sa kaliwang paa.

Sa ulat na tinanggap ni Navotas police chief P/Col. Dexter Ollaging, naglalakad sa kahabaan ng Dulong Tangos St. patungong pondohan dakong alas-2:30 ng hapon si Bacaycay nang masalubong niya ang tumatakbong biktima patungo sa kanyang kinaroroonan habang hinahabol ng isang lalaking armado ng baril, nakasuot ng itim na t-shirt at itim na bonnet.

Sinabi ni Bacaycay sa pulisya na biglang nagpaputok ng dalawang sunod ang naka-bonnet na suspek at nagulat na lang siya nang duguang bumulagta sa kanyang harapan ang biktima habang naramdaman din niya ang pagtagas ng dugo sa kaliwa niyang paa.

Dito na aniya nagtatakbong patakas patungo sa pondohan ang salarin habang isinugod naman sila sa pagamutan ng mga rumespondeng opisyal ng barangay at pulisya.

Iniutos naman kaagad ni Col. Ollaging ang pagtugis sa salarin habang nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya upang matukoy ang motibo sa insidente.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.