2 tulak, timbog sa P1-milyon shabu sa Navotas

Share this information:

ARESTADO ang dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga matapos makuhanan ng mahigit P1 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Navotas City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging ang naarestong mga suspek na sina Lean Balauro, 32 anyos, (Pusher/listed), at Dave Abila, 25 anyos, kapwa ng C. Perez, Samatom Brgy. Tonsuya, Malabon City.

Sa report ni Col. Ollaging kay Northern Police District (NPD) Director PBGen. Jose Hidalgo Jr., dakong alas-10:52 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLt. Luis Rufo Jr. ng buy-bust operation sa kahabaan ng C4 Road., Brgy. Bagumbayan North.

Isang undercover police na nagpanggap na buyer ang nagawang makipagtransaksyon sa mga suspek ng P10,000 halaga ng droga.

Matapos tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng hinihinalang shabu ay agad silang sinunggaban ng mga operatiba.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigit-kumulang sa 150 gramo ng hinihinalang shabu na may corresponding standard drug price na P1,020,000, buy-bust money na isang tunay na P1,000 bill at 9 pirasong P1,000 boodle money, P300 cash at belt bag.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.