Breaking News

Share this information:

ISA umanong holdaper ang patay matapos makipagbarilan sa rumespondeng mga pulis habang arestado naman ang dalawang kasama nito sa Malabon City kamakalawa ng hapon.

Hindi na umabot ng buhay sa Ospital ng Malabon sanhi ng tinamong tama ng bala sa katawan si Jason Danco, 33 anyos, ng Sitio 6, Dumpsite, Brgy. Catmon, habang kinilala naman ang mga naaresto na si Arnold Banjola, 31 anyos, ng Dulong Hernandez at Robin Salazar, 38 anyos, ng Dr. Lascano St. Brgy. Tugatog.

Sa report nina police investigators PSSgt. Jeric Tindugan at PCpl. Renz Marlon Baniqued kay Malabon police chief Col. Albert Barot, nakatanggap ng tawag sa telepono mula sa Tactical Operation Center (TOC) ng Malabon police ang mga tauhan ng Sub-Station (SS-5), SS-2 at SWAT team hinggil sa nagaganap na insidente ng holdapan sa kahabaan ng Dr. Lascano St. Brgy. Tugatog.

Tatlo ang napaulat na mga suspek kung saan dalawa sa mga ito ang may bitbit na patalim habang armado naman ng baril ang isa na kinilalang si Jason Danco na nagsitakas patungo sa gilid ng isang creek sa Dr. Lascano.

Mabilis na rumesponde sa naturang insidente ang mga pulis dakong alas-2:50 ng hapon saka hinabol ang mga suspek na nagresulta sa pagkakaaresto kay Banjola at Salazar kung saan nakuha sa kanila ang dalawang patalim.

Sa halip namang sumuko, pinaputukan ni Danco ang mga pulis na napilitan namang gumanti ng putok na nagresulta ng kanyang kamatayan at nabawi sa kanya ang isang cal. 38 revolver na may isang bala at dalawang basyo ng bala.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: