Isa pang menor de edad na naturukan ng Dengvaxia vaccine, pumanaw

ISA pang menor de edad na babae ang pumanaw na sinasabing naturukan ng Dengvaxia vaccine sa bayan ng Antipolo, Rizal.

Sa kasalukuyan, umakyat na sa 160 ang mga nasawi makaraan umanong sumailalim sa Dengvaxia vaccination na programa ng Department of Health (DOH) sa ilalim ng nuo’y kalihim nito at ngayo’y Iloilo Representative Janette Garin.

Batay sa pahayag ni Gng. Anabelle Portia, pumanaw ang kanyang 15-anyos na anak na si CrissaMae nitong nakaraang ika-walo ng Disyembre, tatlong araw matapos ipasok ito sa ospital, Disyembre 5, 2020.

Ayon sa ina, Abril ng taong 2016 ng unang mabakunahan ng Dengvaxia si CrissaMae habang nasa loob ng Penafrancia Elementary School sa kalagitnaan ng mass vaccination program ng DOH.

Wala umanong kaalam-alam ang ina na naturukan na pala ang kanyang anak.

Wala akong pirma, kasi hindi ako pumayag na mabakunahan ang anak ko. Nalaman ko lang sa mga skul mate nya,” pahayag ni ginang Portia.

Makalipas ang dalawang taon mula ng mabakunahan ay nagsimula ng magkaroon ng iba’t-ibang karamdaman si Crissamae.

Napag-alaman na nailapit pa ng ina ang anak sa albularyo.

Hindi talaga sinabi ng anak ko na binakunahan sila kasi alam nya na mag aalala ako, ngayon patay na sya,” hinagpis ng ina.

Binanggit pa ng ginang na hindi pa nagkasakit ng dengue ang anak bago pa ang nangyaring pagturok sa kanya ng Dengvaxia.

Kaugnay nito ay napasugod naman si Public Attorneys Office (PAO) Chief Dr. Persida Rueda-Acosta kasama si Forensic Division head Dr. Erwin Erfe sa Heavens Gate Memorial Park sa Barangay Mambugan, Antipolo City kahapon kung saan nakalagak ang labi ni CrissaMae.

Ang pagtungo ni Acosta kasama ang forensic team ay matapos mapag-alaman na may mga kaklase si CrissaMae ang naturukan din ng Dengvaxia.

Agad namahagi ng ibat ibang mga gamot si Dr. Erfe sa mga kabataan kontra sa Dengvaxia habang binigyan naman ng libreng serbisyo ng PAO team ang mga biktima bilang paghahanda sa anumang ihahain na karagdagang kasong kriminal laban sa mga nasa likod ng Dengvaxia vaccination program.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.