NAGING madugo ang inuman ng mag-ama sa Escalante City, Negros Occidental makaraang mauwi sa tagaan ang kanilang kuwentuhan at isa ang mapatay.
Tinukoy ng pulisya ang pagkakakilanlan ng nasawing biktima na si Mariano Abelinas, 40 anyos, habang arestado na ang suspek na anak nito na si Vicmar, 20 anyos.
Batay sa paunang imbestigasyon, nagkukuwentuhan pa habang nag-iinuman ang mag-ama nang hindi magtagal ay nagkaroon sila ng pagtatalo.
Unang nanaga umano ang nakatatandang Abelinas at nadaplisan nito ang kanyang anak. Nagkaroon naman ng pagkakataon ang suspek na maagaw ang itak mula sa ama nito at pinagtataga na ang biktima.
Batay naman sa salaysay ng ilang kapitbahay ng mag-ama, malimit na rin umanong nagtatalo ang dalawa lalo na kung kapwa nakainom ng alak.
Naniniwala ang pulisya na posibleng may nakimkim na ring galit ang suspek sa kanyang ama na mula pa lamang sa pagkabata ay nakaranas na ito ng pananakit.
Wala umanong balak ang pamilya ng biktima na magsampa ng kaso laban sa suspek.

