Imported na sibuyas, naharang ng BOC sa Zamboanga

NAHARANG ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang nasa mahigit P9-milyong halaga ng mga imported at sariwang pulang sibuyas sa Port of Zamboanga sa dalawang magkakahiwalay na operasyon sa Zamboanga City.

Ang unang operasyon ayon sa BOC ay naganap noong Enero 22, 2023 sa baybayin ng Barangay Labuan kung saan sinita ang isang de-motor na bangka na may markang “TIMZZAN.” Nadiskubre ng mga awtoridad na ang sasakyang pandagat ay naglalaman ng mga 1,624 na mesh bag na naglalaman ng mga imported na sariwang pulang sibuyas na tinatayang nagkakahalaga ng P2,598,400.

Kinabukasan, naharang naman ang nasa 4,308 mesh bag ng mga imported na sariwang pulang sibuyas na nagkakahalaga ng P6,892,800 mula sa isang jungkong-type cargo watercraft na may markang “MJ MARISSA” sa Varadero de Cawit sa Barangay Cawit, Zamboanga City.

Nabatid sa BOC na ang mga nakumpiskang sibuyas ay walang Sanitary and Phytosanitary Import Clearance mula sa Department of Agriculture (DA)-Bureau of Plant Industry kaya’t lumabag ito sa Section 1401 ng Republic Act (R.A.) 10863, o mas kilala bilang “Customs Modernization and Tariff Act of 2016” na may kaugnayan sa R.A. 10845 o ang “Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.”

Ang mga sibuyas ay itinurn-over sa DA at dinala sa Research Center nito sa Barangay Talisayan, Zamboanga City para sa safekeeping.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.