NAGLABAS na ng Immigration Look Out Bulletin (ILBO) ang Department of Justice (DOJ) laban kay dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque at 11 katao pa na may kaugnayan sa pagsalakay sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Porac, Pampanga.
Kinumpirma ito ni DOJ spokesperson Atty. Mico Clavano, na nagsabing inilabas ang ILBO sa pamamagitan ng Bureau of Immigration (BI).
Kabilang din sa inisyuhan ng ILBO, ayon kay Clavano, ay sina Cassandra Li Ong na sinasabing authorized representative ng Porac POGO hub; dating Technology and Livelihood Resource Center (TLRC) deputy director general Dennis Cunanan, at iba pa.
Ipinaliwanag ni Clavano na ang ILBO ay upang manmanan lamang ang mga respondents pagdating sa kanilang inbound at outbound travel.
Ayon dito, ang ILBO ay walang paghihigpit sa karapatan maglakbay nina Roque at iba pa kundi upang matimbrehan lang ang DOJ o BI kung lumabas o pumasok sila sa bansa.
Sinabi ni Clavano na inilagay ang 12 indibidwal sa look out dahil sa ongoing investigation kung saan kapag may impormasyon ang mga awtoridad na may “flight risk” sila ay kadalasang maglalabas ng look out bulletin.
Ito ay kasunod na rin ng ulat na nakalabas na ng bansa si Cassandra Li Ong kung saan ayon kay Clavano noong panahon na ‘yun ay wala pang ILBO, dahilan para mag-isyu na laban sa iba pang iniimbestigahan pa.
“Yung pinaka goal dito is to safeguard the integrity ng investigation– ayaw naman po natin na sa gitna ng investigation bigla na lang silang aalis at hindi natin alam– so this is also the result sa ating experiences dati na nakakalabas nalang yung ating mga suspek sa mga kaso, kaya gusto lang natin manigurado,” pahayag pa ni Clavano.

