Gastos sa libing, cremation, at awtopsiya ng mga biktima ng sunog sa Binondo, sagot ng Manila LGU

SINAGOT ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang gastos sa libing, cremation, at awtopsiya ng mga biktima ng sunog sa Binondo, Maynila na naganap kamakailan.

Nabatid mula kay Manila Department of Social Welfare and Development (MDSW) head Dir. Re Fugoso na sinagot lahat ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan ang gastos sa serbisyo ng punerarya, gayundin ang awtopsiya at pag-cremate sa mga bangkay ng mga nasawing biktima ng sunog.

Nai-cremate na ang sampu sa 11 indibidwal na nasawi sa nasabing sunog, ayon sa pahayag ng pamahalaang Lungsod ng Maynila.

Bukod dito, nagbigay din ng P15,000 cash si Mayor Lacuna sa mga pamilyang naulila ng mga biktima para sa burial at transportation allowance ng mga ito dahil karamihan sa kanila ay galing pa sa kani-kanilang probinsya.

Nabatid pa kay Fugoso na maging ang “urn” na pinaglagyan ng mga abo ng mga biktima ay sinagot na din ng alkalde at pinabigyan pa nito ang pamilya ng mga biktima ng tig-dalawang kahon na food box.

Napag-alaman na ang dalawang biktima na kinilalang sina Apprentice Seaman ASN Ian Paul Fresado at Mark Anthony Hernandez, kapwa miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG), ay dadalhin ang kanilang mga abo sa tanggapan ng PCG upang mabigyan sila ng parangal bago dalhin sa kanilang probinsiya sa Bicol.

Ang iba pang nai-cremate na biktima ay nasa kani-kanila nang pamilya at nakauwi na sa kanilang probinsiya.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.