Ibayong higpit sa pagpapatupad ng health protocols — MPD

Lalo pang paiigtingin ng  Manila Police District (MPD) ang pagpapatupad sa minimum health protocols, partikular sa mga debotong magtutungo sa Sto. Niño Church bilang  bahagi ng paghahanda ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila sa kapistahan ni Sto. Niño de Tondo  at Pandacan.

Isa sa ginawang paghahanda  ng kapulisan  ang paglalagay ng marka sa paligid ng  Sto. Niño Church sa Tondo para sa mga deboto na makiki-isa sa banal na misa bilang selebrasyon ng nasabing kapistahan.

Pinangunahan naman ang naturang hakbang ng mga tauhan ng  MPD-Dagupan Outpost sa pamumuno ni Outpost Commander PSMSgt. Gerardo Tubera, katuwang ang Divisoria Rider’s Club.

Nasa 3,390 circle markings ang inilagay sa paligid ng Tondo Church kung saan nagtalaga din ang mga kapulisan ng dalawang entrance at tatlong exit points sa mismong araw ng kapistahan.

Ayon kay MPD-Station 2 Commander P/Lt. Col. Magno Gallora Jr., ginawa ang nasabing mga pavement marking upang mapanatili ang physical distancing ng mga deboto na magsisimba sa Tondo Church. 

Pinaalalahanan naman ni PSMSgt. Tubera ang mga Manilenyo at mga deboto na magtutungo sa simbahan na magsuot ng face mask at face shield gayundin ay panatilihin ang physical distancing dahil may panganib pa din na kinakaharap ang bansa dulot ng pandemya na COVID-19 lalo na ngayong nakapasok na ang bagong variant ng nasabing sakit.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.