Breaking News

Share this information:

EXCLUSIVE

PHOTO: ANG apat na pulis-Olongapo na pawang nakatalaga sa Station Drug Enforcement Unit ng Olongapo City Police Office (OCPO) na sina Police Lt. Reynato Basa Jr, at mga tauhan na sina Police Corporal Gino Dela Cruz, Corporal Edesyr Victor Alipio at Corporal Godfrey Duclayan Parentela na kasamang natimbog sa isinagawang buy bust operation ng PDEA at CIDG matapos ang pagkakadiskubre sa isang ‘kitchen-type’ shabu laboratory sa SBMA kahapon ng madaling araw.

SINIBAK na sa puwesto bilang hepe ng Olongapo City Police Office (OCPO) Si Police Col. Randy Arceo epektibo ngayong araw, Enero 15, 2021, dahil sa command responsibility nito matapos ang pagkakasangkot sa kanyang apat na tauhan na nakatalaga sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU).

Ito ay batay sa direktiba mismo ni Police Regional Office 3 (PRO3) Director Brig. General Valeriano De Leon na kung saan ay pinabubuwag na rin ng opisyal ang DEU ng Police Station 2.

Apat na umanoy mga ‘ninja-cops’ mula sa Olongapo City Police Office (OCPO) at kanilang “asset” na sibilyan ang dinakip kasabay ang pagkakadiskubre ng “shabu laboratory” sa isinagawang buy-bust operation sa loob mismo ng Subic Bay Freeport Zone (SBFZ), ang isa sa pinaka secured government facilities sa bansa.

Nakumpiska ng pinagsanib na puwersa ng Special Enforcement Service (SES) ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP) ang nasa 300 gramo ng high-grade shabu na nagkakahalaga umano ng P5milyon na sinasabing bagong hango palamang o ‘repacked’ mula sa pagkakaluto sa laboratory.

Ayon kay PDEA-Regional Office 3 Director Adrian Alvarino, isinagawa ang operasyon laban sa subject ng buy bust na si Jericho Dabu pasado ala 1 ng madaling araw ng Biyernes, Enero 15, 2021, sa exclusive subdivision sa Quarter 366-B Sangley Loop, Finback, West Kalayaan, SBMA.

Mabilis umanong tumakbo si Dabu papasok sa loob ng bahay ng makatunog ito subalit agad din siyang natunton ng mga awtoridad ng habulin hanggang tumambad sa kanila ang “kitchen-type” shabu laboratory.  

Nakilala naman ang mga pulis na nagkataong nasa loob ng shabu laboratory ng isagawa ang operasyon kabilang ang hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Police Station 2 na si Police Lt. Reynato Basa Jr at mga tauhan nito na sina Police Corporals Gino Dela Cruz, Edesyr Victor Alipio at Godfrey Duclayan Parentela.

Napag-alaman kay Alvarino na ang mga pulis na kanilang nadakip ay pawang mga protector ng shabu lab at tumutulong na rin umano sa pagpapakalat ng ilegal na droga sa Olongapo City at maging sa lalawigan ng Zambales.

Nasa 3 hanggang 4 na kilo umano ng high grade shabu ang naipo-produce ng mga suspek kada araw kung saan ang itinuturong taga luto ng grupo ay isang Canadian national na si Timothy Hartley, na subject ngayon ng manhunt operation.

Isinama na sa grupo ni Hartley at Dabu ang apat na pulis sa illegal drug syndicate ayon kay Alvarino.

“This type of laboratory is common in Western countries, using improvised equipment and available chemicals in the market. The operation is under the case operational plan of PDEA NCR and CIDG Northern District,” pahayag ni Alvarino.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: