Hustisya, tiniyak ng DOJ na makakamit ng dalawang sundalo sa reklamong “rape”

TINIYAK ng Department of Justice (DOJ) na makakamit ng dalawang sundalo ang hustisya sa reklamo nilang “rape” laban sa isang senior military officer ng Armed Forces of the Philippines.

Ito ang kinumpirma ni DOJ chief Jesus Crispin Remulla nang tanungin ang magiging aksyon ng kagawaran hinggil sa usapin.

Inihayag din ng kalihim na makakasiguro umano ang publiko na asahang makakamit ang hustisya lalo na sa mga indibidwal na biktima ng pang-aabuso o pang-aapi.

Nakasampa na ang mga kasong “rape” at “attempted rape” sa prosecutor’s office ng Lipa, Batangas.

Nakasaad sa isinumiteng affidavit ng mga complainant na sila’y inanyayahan na matulog sa kuwarto ng kanilang senior officer.

Ngunit dito na naganap ang hindi inaasahang umano’y “rape” na kanilang inireklamo matapos ang insidente.

Mariin namang itinanggi ng sangkot na opisyal ang alegasyon o akusasyon laban sa kanya.

Giit kasi nito na ang “sexual assault” na ipinaratang sa kanya ay imposibleng mangyari dahil sa dalawang sundalo ito kumpara sa kanya na nag-iisa lamang.

Gayunpaman, binigyang-diin ng abogado ng mga complainant na ang “rape” ay maaari ding mangyari kaninuman maging sa lalaki.

Sa kasalakuyan, ang naturang inirereklamong senior military official ay isinailalim na sa “restrictive custody” o “house arrest” sa loob ng kampo kung saan ito namamalagi.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.