SINABI ng Department of Health (DOH) na wala pang naitatalang kaso ng isang tao na nahawaan ng avian influenza.
Ang pahayag ng DOH ay matukoy ang naturang sakit sa ilang bansa.
Ayon kay Dr. Alethea De Guzman, director ng Epidemiology Bureau ng DOH, ang Pilipinas ay kasalukuyang nasa Stage 2 ng 4-tier preparedness at response plan na nangangahulugan na ang bird flu ay kasalukuyang natukoy sa mga domestic fowls.
“Wala pa tayong ni isang confirmed human avian influenza case and we want to be able to retain that status,” aniya sa virtual town hall meeting.
Ang avian influenza ay isang viral disease na nakakaapekto sa mga ligaw at alagang ibon.
Ang pinakamatinding strain nito ay tinatawag na highly pathogenic avian influenza (HPAI), na kilala rin bilang high path, at kabilang dito ang H5N1 virus.
Ang strain na ito ay kilala na nakamamatay sa mga manok at posibleng nakamamatay rin sa mga tao, ayon pa sa DOH.
Dagdag pa ng DOH, ang kaso sa mga tao ay nangyari sa mga taong may malapit na pakikipag-ugnayan sa mga may sakit na ibon at kontaminadong materyales.
Ayon sa pinakahuling datos mula sa World Health Organization, nadiskubre na mayroon nang 868 na kaso ng tao na may avian influenza A (H5N1) na iniulat sa 21 bansa.
Sa bilang, humigit-kumulang 455 na mga pasyente ang namatay, na nagdala ng case fatality rate sa 53 porsyento.