NAKUMBINSI ang ilang grupo ng transportasyon na i-atras ang kanilang apela para sa agarang pagpapatupad ng pisong provisional na pagtataas ng minimum na pasahe sa jeep matapos na pagsabihang itataas sa P13,000 ang fuel subsidy na kanilang matatanggap.
Ayon kay Pasang Masda national president Obet Martin, nagdesisyon silang hindi na ipursige ang provisional fare increase kasunod na rin ng babala ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade na magdudulot ng pagsipa ng inflation ang fare hike.
Sinabi rin aniya sa kanila ni Tugade na dinoble na ang pondo para sa fuel subsidy sa mga drayber at operator na magiging P5 bilyon na kaya’t ang maaari nilang matanggap ay nasa P13,000 mula sa naunang binanggit na P6,500.
Ang fuel subsidy umano ay maaari nang matanggap ng mga tsuper at operator ngayong Marso at Abril.
Hindi lamang ang pampasaherong jeepney kundi maging ang mga bus, UV express, TNVS, ride-hailing service, at traysikel ay target na ring mabigyan ng subsidiya.
Maliban dito, ikinakasa na ring isama ang mga traditional jeepney sa service contracting program ng gobyerno.

