TUTOL si Interior and Local Government Secretary Eduardo Año sa hirit na agad nang maibalik ang face-to-face classes sa gitna ng pandemya.
Diin ni Año, hindi muna dapat madaliin ang pagbubukas ng face-to-face classes lalo na’t libu-libong mga Pilipino pa ang nagpopositibo sa COVID-19 araw-araw.
Kinuwestyon pa ng kalihim ang mga nagpipilit ng physical classes kung sino ang mananagot sakaling muling sumipa ang COVID-19 cases kapag nagbalik na sa eskuwela ang mga bata.
“Ang sinasabi natin, huwag na lang natin munang i-rush. Kasi ang tanong diyan, ikaw gusto mong gawin ‘yan pero sino ba ang responsable diyan? Ikaw ba? Ang galing mong magrekomenda pero wala ka naman palang responsibilidad diyan,” diin ni Año.
“Kung magkasakit at magkaroon ng spike, ikaw ba ang gagamot diyan, ikaw ba magsasagot ng gastos diyan? Pangalawa, sino’ng magiging accountable?” dagdag nito.
Tinukoy ni Año na kapag pumasok na sa paraalan ang mga estudyante, mahirap nang makontrol ang pagdagsa nito.
“Kapag sinabi mong face-to-face na ‘yung mga estudyante, you’re talking of millions of students, so wala ka nang kontrol diyan kapag sinabi mong face-to-face. Kapag sinabi mo namang selected, ano naman ang criteria mo?” pahayag pa ng kalihim.
Iginiit pa ng opisyal na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang nagsabi na wala munang face-to-face hanggang sa matapos ang Disyembre ng kasalukuyang taon.