Helper, kulong dahil sa pagnanakaw sa Malabon

REHAS ng kulungan ang hihimasin ng isang helper matapos pasukin at pagnakawan ang tindahan ng kanyang kabarangay sa Malabon City kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang naarestong suspek na si Larry Bartolome, 52 anyos, ng 28 Rodriguez 1 Brgy. Dampalit na nahaharap sa kasong Robbery with Upon Things.

Sa imbestigasyon ni PCpl. Renz Marlon Baniqued, dakong ala-una ng madaling araw nang pasukin ng suspek ang tindahan ni Eruel Navayo, 35 anyos, company driver, sa No. 06 Rodriguez 1 Brgy. Dampalit sa pamamagitan ng pagdaan sa likod na pinto matapos wasakin ang lock nito at sirain ang railings ng bintana.

Nang nasa loob na ito, naghalughog umano ang suspek saka kinuha ang P20,000 cash at assorted goods bago mabilis na tumakas.

Nang tingnan naman ng biktima ang kuha ng kanilang personal CCTV, nakita nito ang ginawa ng suspek na naging dahilan upang humingi siya ng tulong sa Malabon Police Sub-Station 7.

Kaagad namang inatasan ni SS7 head PMaj. Patrick Alvarado ang kanyang mga tauhan na magsagawa ng follow-up operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek subalit, hindi nabawi ang mga tinangay nito sa biktima.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.