NABUO na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang bagong health care facility sa Marawi City, Lanao Del Sur.
Ayon kay Secretary Mark Villar, natapos na ang konstruksyon ng Sagonsongan Multi-Purpose Building sa Barangay Sagonsongan relocation Site sa Marawi City na pansamantalang ginawang quarantine quarter para sa kaso ng COVID-19.
Sinabi pa ng kalihim, mayroon itong 40-bed capacity na magsisilbi sa mga indibidwal na positibo para sa virus ngunit inuri bilang asymptomatic to mild cases.
Sa pamamagitan naman ng kalihim, ang nasabing pasilidad ay itinurn-over na ni Usec Emil K. Sadain, head ng Task Force to Facilitate Augmentation of National and Local Health Facilities.
Pamamahalaan ng provincial government ng Lanao del Sur sa ilalim ng pamumuno ni Gov. Mamintal Adiong Jr ang pansamantalang COVID-19 patient care center.
“The newly turned-over facility will provide the much-needed boost to the health care capacity of Lanao Del Sur. With the new facility, those who will be infected with the virus will be isolated away from their communities and further halt the spread of the disease”, ani Undesecretary Sadain.
Sa kabila ng patuloy na pagbaba ng bilang ng bagong kaso, patuloy ang DPWH Task Force sa paggawa ng tungkulin nito sa pagserbisyo sa sambayanang Filipino sa pamamagitan ng pagsuporta sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) efforts na mapahusay ang kakayahan ng lokal na pamahalaan sa paglaban sa nakamamatay na virus.

