Mariing kinondena ng mga mamamahayag ang harassment na ginawa ng ilang mga miyembro ng pulis na nakatalaga sa Manila Police District– Station 10 matapos na hulihin at ikulong ang isang reporter ng radio station ng PTV 4 o Radyo Pilipinas.
Batay sa mga impormasyong nakalap ng ilang kapwa mamamahayag, inaresto si Lorenz Tanjoco sa isang checkpoint sa Beata, Pandacan, Maynila.
Nauna rito, binabaybay umano ni Tanjoco ang lugar sakay ng kanyang motorsiklo nang matanggal ang kabilang bahagi ng suot na face mask habang nakahelmet.
Hindi umano nito magawang maisuot dahil nasa gitna ng highway bukod pa sa nakasuot ito ng helmet kaya minabuti na lamang niyang tanggalin at saka na lamang isuot kapag nakahinto.
Nang pagsapit sa naturang checkpoint, tinangka na sanang isuot ni Tanjoco ang kanyang face mask nang bigla siyang sitahin ng mga pulis.
Sa kabila ng paliwanag ni Tanjoco, hindi pa rin siya pinakinggan at sa halip ay kinuha ang kanyang lisensya at hiningan ng quarantine pass.
Wala namang maibigay na quarantine pass dahil kabilang naman ito sa Authorized Person Outside of Residence (APOR) dahil siya ay miyembro ng media kaya ang kanyang media ID na lamang ang kanyang ibinigay, dahilan para lalong magalit sa kanya ang pulis at mayabangan.
Dito na sinabi ng pulis na “Tuluyan na yan, anong media media.”
Tila diniscriminate pa umano ng mga pulis si Tanjoco dahil kinuwestyon pa ang pagiging media personality nito kung saan siya ay nakasuot lamang ng sando at shorts dahil noo’y papunta umano ito sa kanyang dentista.
Kinuha rin ang kanyang cellphone nang subukan niyang kumuha ng video ng Beata PCP. Sinita si Tanjoco at inakusahan agad siya ng resisting arrest saka kinumpiska ang kanyang cellphone.
Tila ginawa pa itong kriminal dahil pinosasan pa siya ng mahigpit na hindi binabasahan ng Miranda Rights na hanggang ngayon ay iniinda ang sakit ng kanyang kamay at gusto itong tuluyan at i-inquest.
Sumaklolo naman ang iba pang miyembro ng media sa PCP na umabot pa sa ilang oras na paliwanagan at pakiusapan bago tuluyang pinakawalan si Tanjoco matapos ang mahigit 10 oras.
Hindi naman nakuha ni Tanjoco ang buong pangalan ng umaresto sa kanya na ang nakalagay sa kanyang name plate ay “Geronimo” at tauhan ni Lt. Joel Pinon.

