Halos P6 kada litro ng diesel, ipatutupad bukas; presyo ng gasolina, sisirit din

TATAAS ng halos anim na piso ang kada litro ng diesel habang halos apat na piso ang madaragdag sa presyo ng gasolina, epektibo Martes ng umaga.

Sa abiso ng Pilipinas Shell Petroleum Corp., aabot sa P3.60 ang itataas nito sa kada litro ng gasolina, P4.10 sa kada litro ng kerosene at P5.85 sa kada litro ng diesel.

Ang katulad na halaga rin ang ipatutupad ng Cleanfuel, Seaoil, at Caltex gayundin ang iba pang kumpanya ng langis.

Ito na ang ika-sampung linggo na magtataas ang presyo ng produktong petrolyo simula ng pumasok ang bagong taon.

Ang malakihang pagtataas ay bunsod na rin umano ng patuloy na sigalot sa pagitan ng Russia at Ukraine.

walang problema sa suplay – DOE

Iginiit ng isang opisyal ng Department of Energy (DOE) na hindi problema ang suplay ng krudo sa bansa kundi ang presyuhan nito.

“Wala ho tayong problema sa supply, Mr. Chair. ‘Yung problema natin ngayon is… covered po tayo, ‘yung inventory natin 30 days, more than 40 days po ang nasa inventory pa natin,” pahayag ni DOE Undersecretary Gerardo Erguiza sa pagdinig sa Kamara.

“Ang problema ho natin ngayon presyo pero quantity wala ho tayong problema. May pumapasok ho,” dagdag nito.

Tinukoy ni Erguiza ang ilan sa mga ipinapanukala upang tugunan ang pagsipa ng halaga ng petrolyo ay ang tinatawag na unbundling of prices, pagkakaroon ng minimum inventory requirements sa oil deregulation law, pagbibigay ng kapangyarihan sa gobyerno para manghimasok na sa presyuhan o intervention powers kapag tumataas na ang bentahan, at suspensyon ng excise tax sa petroleum products.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.