Nasamsam ng mga awtoridad ang halos P35 milyon halaga ng shabu sa isang driver ng Grab na nasa drug watchlist ng pulisya matapos masakote sa isinagawang buy-bust operation sa Caloocan City kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Northern Police District (NPD) Director PBGen. Eliseo Cruz ang naarestong suspek na si Uriel Hewe Jr., 31 anyos, ng Block 15, Lot 7, Mangga St., Amparo Subdivision Brgy. 179, Caloocan City.
Sa report ni PBGen. Cruz kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief PBGen. Vicente Danao Jr., alas-3 ng madaling araw nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Caloocan Police SDEU sa pangunguna ni P/Capt. Deo Cabildo, kasama ang Amparo Police Sub-Station sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Col. Samuel Mina Jr. sa bahay ng suspek na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya.
Narekober sa suspek ang aabot sa 5 kilo at 100 gramo ng hinihinalang shabu na tinayatayang nasa P34,680,000.00 ang kabuuang halaga, buy bust money na binubuo ng 2 tunay na P1,000 at 138 piraso boodle money, isang cal. 45 pistol na may magazine at 4 na bala, digital weighing scale, cellphone at P10,150 cash.
Pinuri ni NCRPO Chief Danao ang Caloocan Police SDEU sa ilalim ng pamumuno ni Col. Mina dahil sa matagumpay na drug operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.
Nabatid na nag-ugat ang operasyon dahil sa impormasyon mula sa concerned citizen na ipinadala sa NCRPO SMS Compliance Monitoring System hinggil sa ilegal na aktibidad ng suspek.
Inaalam pa ng pulisya kung may kaugnayan ang suspek sa grupong nasakote din ng Caloocan Police SDEU kamakailan na nahulihan ng 26 kilos ng shabu.

