SIMULA ngayong araw ng Martes,(Disyembre 23, 2025) suspendido na ang expanded number coding scheme ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) hanggang sa araw ng Pasko at maging sa Disyembre 29 hanggang Enero 2, taong 2026.
Base sa inilabas ng Public Information Office (PIO) ng MMDA, awtomatikong sinususpinde ang number coding kapag regular at special non-working holidays, habang ang pagsuspinde naman sa hindi regular na holiday ay ibinabatay sa Memorandum Circular No. 111 ng Office of the President.
Walang pasok sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan sa nabanggit na mga araw para mabigyan ng sapat na oras ang mga kawani na makapagdiwang ng Bagong Taon sa inilabas na kautusan ng tanggapan ng Pangulo.
Payo ni MMDA Chairman Atty. Don Artes ang mga bibiyahe ngayong panahon ng Kapaskuhan na planuhing mabuti ang kanilang biyahe, sumunod sa batas trapiko, at mag-ingat sa pagmamaneho.
Aniya, iwasan rin ang magpost sa social media ng kanilang destinasyon upang hindi makatawag pansin sa mga masasamang loob na magsasamantala sa mga bahay kung saan alam nilang walang tao.

