SA isang anti-drug operation na isinagawa ng General Santos City Police nagwakas ang boxing carreer ng dating kampeonato na si Eden Sonsona.
Nabatid kay Police Major Patrick Elma, hepe ng Station Anti-Illegal Drugs (SAID), matagal na umanong isinasailalim sa surveillance si Sonsona dahil sa pagtutulak nito ng shabu.
Inilunsad ang operasyon laban kay Sonsona nitong Sabado ng gabi June, 19, malapit sa kanyang bahay sa Barangay Apopong.
Nakumpiska mula sa posesyon ng suspek ang ilang gramo ng ilegal na droga.
Lumabas din sa pagsusuri na positibo si Sonsona, 32, sa paggamit ng nabaggit na droga matapos itong isailalim sa drug test.
Naging two-time world boxing champion si Sonsona sa ilalim ng World Boxing Council (WBC-International Silver Super Featherweight) noong 2015 at World Boxing Federation (WBF-International Super Featherweight) nitong 2017.
Huling lumaban si Sonsona noong March 17, 2021 sa General Santos City pero natalo siya sa katunggaling si Rimar Metuda ng Cagayan de Oro City.
Naging undercard din siya sa Manny Pacquiao-Joshua Clottey fight sa Arlington, Texas noong sa 2010, kung saan tinalo niya ang kalabang Colombian na si Mauricio Pastrana.
Hawak nito ang official record na 36 panalo na may 13 knockouts, 13 talo at dalawang draw sa kanyang professional boxing career.
Nabatid pa na matagal ng pinapayuhan ng iba pang boksingero si Sonsona na itigil na ang paggamit at pagbebenta ng shabu dahil doon na lang ipinupuhunan ang kinikita nito sa pagbo-boksing.

