EU, kinilala ang Calamba bilang modelo para sa local conflicts

Isang delegasyon mula sa European Union (EU) ang bumisita sa Calamba City upang kilalanin ang programa ng lungsod pagdating sa paglutas ng mga sigalot sa lokalidad bilang isang pilot site.

Ang nasabing programa ay kinilala dahil sa sistematikong pamamaraan nito ng pag-uugnay ng iba’t-ibang sangay ng pamahalaan sa paglutas sa mga sigalot o “local conflicts” sa mga komunidad.

Ipinahayag din ng delegasyon ng EU na handa itong tustusan ang pagtatatag ng “justice zone” sa lungsod, sa ilalim ng Governance in Justice Programme II or GOJUST II upang pag-ibayuhin pa ang mga pamantayan pagdating sa pagtukoy ng suliranin at pag-resolba ng mga hidwaan.

Tnanggap naman ng malugod ng pamahalaang lungsod ng Calamba ang ang hamon na maging isa sa pitong pilot sites sa ilalim ng programa. Magmamasid din ang mga kinatawan ng EU sa pina-iiral na pamamaraan ng lokal na pamahalaan, katuwang ang Department of the Interior and Local Government, Department of Justice, Supreme Court at maging ang pribadong sektor.

Ayon kay Calamba City Mayor Justin Marc SB. Chipeco, malaking bentahe para sa kanilang lungsod na mapiling pilot site na siyang magiging basehan ng mga polisiya para sa sistematiko, mabilis at epektibong paraan sa pagtukoy ng problema at karampatang solusyon.

Aminado naman si Chipeco, isang abogado, na hindi perpekto ang umiiral na sistema sa Calamaba City, kaya naman malaki din aniyang ambag sa nasabing lungsod ang anumang rekomendasyong magmumula sa delegasyon ng EU.

Ang ating lungsod ay inilunsad bilang Justice Zone sa ilalim ng European Union-funded Governance in Justice Programme II (GOJUST II). Sa pagiging Justice Zone sa ating lungsod titingnan ang mga problemang pang-lokal at hahanapan din ng solusyon para maisaayos ang mga nasabing problema. Ang Calamba City ay inirekomenda ng Regional Development Council ng National Economic Development Authority,” ani Chipeco.

Kaugnay nito, pinaghahandaan na din ng EU ang paglalatag ng mekanismong higit na magbibigay kaluwagan sa bugsu-bugsong asuntong isinasampa sa mga hukuman.

Kabilang sa suportang nakatakdang ibahagi ng EU ay ang mas malaking Justice Hall kung saan maaaring makapagtalaga ang Korte Suprema ng dagdag husgado para sa mas mabilis na pagdinig sa mga kaso. Kaakibat naman ng mabilis na pagdinig ng mga kaso ay ang pagluwag ng mga piitan.

Nakatakda din magbigay ang EU ang iba pang pangangailangan ng mga piitan kaugnay ng kanilang programang E-Dalaw, mga sasakyan, kaalaman at iba pa.

Bagamat mababa ang crime rate sa nasabing lungsod, sa Calamba nananahan ang karamihan ng mga akusadong mula sa iba’t ibang panig ng lalawigan habang dinidinig ng Calamba City Regional Trial Court ang kani-kanilang kaso.

Lubos din ang paniwala ng alkalde na susi sa pag-unlad ng isang lungsod ay ang kakayahan nitong kumilala ng pagkukulang, pagtanggap ng puna, at pakikiisa sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan para sa mas epektibong serbisyo.

Ang Calamba, isang first class component city ng Laguna, ay kilala sa pagpapanatili ng kaayusan sa maraming aspeto ng lipunan, sa kabila ng malaking populasyon nito. Sa pinakahuling datos, hindi bababa sa kalahating milyon ang naninirahan sa nasabing siyudad.

Kabilang din ang Calamba sa mga pinakamayamang lungsod sa buong Calabarzon region.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.