Isasailalim ng pamahalaang lungsod ng Caloocan sa lockdown ang dalawang subdivision sa Caloocan, ani alkalde ng lungsod.
Ang mga nabanggit na lugar ay ang Kingstown 2 at Queensville sa Barangay 171. Magsisimula ang lockdown mula 12:01 a.m. ng Lunes, March 22 hanggang 11:59pm ng Linggo, March 28, 2021.
Ayon kay Mayor Oca Malapitan, ang ipatutupad na lockdown ay bunsod ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa mga nabanggit na lugar.
“Kailangan muna nating limitahan ang galaw ng mga residente sa dalawang subdivision upang hindi na lumaganap ang sakit. Sa loob ng pitong araw na lockdown ay magsasagawa tayo ng mass testing, misting at disinfecting operations,” ani alkalde.
Mamamahagi naman ng food boxes ang pamahalaang lungsod sa mga bahay kung kaya’t inaabisuhan ang mga residente na maglagay ng mga upuan sa labas ng kanilang tahanan upang mapaglagyan ng kanilang food box.
Sa kasalukuyan ay mayroong 15 kaso ng COVID-19 sa Queensville at Kingstown 2 habang may kabuuang bilang na 61 active cases naman ang Barangay 171.
Noong alas-5 ng hapon ng March 19, 2021, umabot na sa 16,181 ang tinamaan ng COVID-19 sa lungsod, 1,037 dito ang active cases, habang 14,621 ang mga gumaling at 514 ang namatay.