Estudyante, nagbigti matapos makipaghiwalay sa boyfriend

WINAKASAN ng isang 17-anyos na estudyante ang kanyang sariling buhay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili matapos umano silang maghiwalay ng kanyang boyfriend sa Malabon City.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Albert Baro, nadiskubre ang katawan ng biktima na itinago sa pangalang “Lorna” ng kanyang pinsan na nakabigti sa loob ng kuwarto ng kanilang bahay sa Sitio 6 Dumpsite, Brgy, Catmon dakong alas 8:30 ng umaga.

Ginamit ng biktima ang isang lubid na nakapulupot sa kanyang leeg habang ang dulo ay nakatali sa biga ng kisame.

Sa imbestigasyon nina P/SSgt. Jeric Tindugan at P/SSgt. Michael Oben, dumanas ng depresyon ang dalagita matapos umano silang mag-breakup ng kanyang boyfriend isang linggo ang nakalipas.

Huling nakitang buhay ang biktima dakong alas-8 ng umaga nang magtungo ang kanyang ina sa pinagtatrabuhan nito sa kalapit na computer shop.

Makalipas ang ilang sandali, inutusan ng ina ng biktima ang kanyang pamangkin na tawagin ang kanyang anak sa kanilang bahay kung saan ito nadiskubreng nakabigti.

Mabilis na isinugod ng kanyang ina ang biktima sa San Lorenzo Ruiz General Hospital subalit hindi na ito umabot ng buhay.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.