INIULAT ng pamahalaang lungsod ng Maynila na patuloy ang pagtaas ng occupancy rate ng mga ospital sa lungsod dahil sa pagsirit ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon sa ulat, umabot na sa 41 percent ang occupancy rate sa anim na district hospital sa lungsod sa mga pasyenteng may mild at severe case.
Katumbas ito ng 200 kama na okupado ng mga pasyenteng may COVID-19 mula sa 491 bed capacity sa anim na pampublikong ospital sa lungsod.
Umabot na rin sa 88 percent ang occupancy rate sa Manila COVID-19 Field Hospital sa Rizal Park, ayon kay Manila Mayor Francisco Domagoso.
Nangangahulugan na 44 na lamang ang bakanteng kama mula sa 344 bed capacity nito.
Sa kabila nito, nasa 10 percent pa lamang na okupado ang mga quarantine facility sa Maynila.
Aminado naman ang alkalde na ramdam na nila ang epekto ng Delta variant ng COVID-19 at posibleng mapuno pa ang mga ospital kung patuloy na magpapabaya ang publiko laban sa mas nakakahawa at nakamamatay na variant.

