Emergency powers kay PRRD para linisin ang Philhealth, itinutulak sa Kamara

President Duterte
Share this information:

IPINUPURSIGE ng komite sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na masesertipikahang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang ihahaing emergency powers upang solusyunan ang problema sa Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth).

Sinabi ni Public Accounts committee chairman Rep. Mike Defensor, nagkakaisa ang mayorya ng mga miyembro ng komite na mairekomenda ang special powers para sa punong ehekutibo.

Sa ilalim nito, bibigyan ng kapangyarihan ang Presidente na magpatupad ng malawakang reoganisasyon sa Philhealth.

Bibigyan din ang punong ehekutibo ng kapangyarihan na kumuha ng mga tauhan o third party providers na magsasagawa ng pag-o-audit sa ahensya.

Hindi naman aniya ito hiningi sa kanila ni Pangulong Duterte ngunit naniniwala ang mga kongresista na kritikal ang sitwasyon sa Philhealth na nangangailangan ng agarang pag-aksyon at paglilinis.

Samantala, matapos ang siyam na mga pagdinig ay tinapos na ng joint committee on Public Accounts at Good Government and Public Accountability ang imbestigasyon nito patungkol sa mga anomalya sa Philhealth.

Kasabay nito, sinabi ni Defensor kanilang ipupursige ang kasong plunder o pandarambong sa lahat ng mga opisyal ng Philhealth na sangkot sa korupsyon.

Gayunman, makikipag-usap muna ang mga mambabatas sa Department of Justice upang maplantsa ang kanilang ihahaing reklamo.

Napagkasunduan din aniya ng mga miyembro ng joint panel na sasama sila sa paghahain ng mga kaso laban sa mga sangkot sa nabunyag na iregularidad sa ahensya.

DOH Secretary Duque pabor sa emergency powers

SANG-AYON si Health Secretary Francisco Duque III na mabigyan ng dagdag na kapangyarihan si Pangulong Rodrigo Duterte para solusyunan ang mga problema sa PhilHealth.

Sa pagdinig, agad na kinatigan ni Duque ang rekomendasyon ng mga kongresista at naniniwala siyang mas mapapabilis ang reporma sa PhilHealth kung mabibigyan ng emergency powers si Pangulong Duterte.

Samantala, muling itinanggi ni Duque na sangkot siya sa katiwalian sa Interim Reimbursement Mechanism (IRM) para sa COVID-19.

Paglilinaw ni Duque, hindi siya kasama sa Board meeting nang pirmahan ang IRM para sa case rates ng COVID-19 at hindi rin niya ito napag-aralan.

Katwiran ni Duque, hindi siya nakasama sa mga bumuo ng Board Resolution sa IRM dahil masyado siyang abala sa DOH at nakatutok siya sa Inter-Agency Task Force (IATF) para tugunan ang problema sa COVID-19 pandemic.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.