TATLONG hinihinalang sangkot sa ilegal na droga kabilang ang isang bebot ang arestado sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Valenzuela City kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni PLt. Joel Madregalejo, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela Police ang naarestong mga suspek na sina Rizaldo Rivera, 51 anyos, construction worker, pamangkin niyang si Marcos Rivera, 18 anyos, fish vendor, at Rechelle Magkasi, 38 anyos, RTW Seller ng 11, Faustino St. Brgy. Punturin.
Sa report ni SDEU investigator PCpl. Pamela Joy Catalla kay Valenzuela police chief Col. Ramchrisen Haveria Jr., dakong ala-1:30 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PLt. Madregalejo ng buy-bust operation sa harap ng bahay ng magtiyuhin sa Blk 10 Lot 5, Northville 1, Brgy. Bignay.
Nagawang makipagtransaksyon ni PCpl. Robbie Vasquez na nagpanggap na buyer sa mga suspek ng P500 halaga ng droga at nang tanggapin ng mga ito ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad silang inaresto ng mga operatiba.
Nakumpiska sa mga suspek ang humigit-kumulang sa 3 gramo ng hinihinalang shabu na may SD na P20,400, buy-bust money, P400 cash, 2 cellphone at coin purse.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang mga suspek.

