Driver at operator, hinimok na huwag nang sumali sa ikinakasang “tigil pasada”

NANAWAGAN si Lawyers for Commuters Safety and Protection Atty. Ariel Inton sa mga driver at operator ng pampublikong sasakyan na huwag ng sumali sa ikinakasang isang linggong transport strike simula sa Lunes.

Sa Balitaan sa Tinapayan media forum, iginiit ni Inton na si mismong Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang nanawagan sa kanila at kahit Senado ay nagkaroon narin ng pagdinig sa inirereklamong puv modernization, dapat makinig naman ang mga ito at huwag ituloy ang plano.

Tutal naman aniya ay umamin na ang Department of Transportation na may mga kailangan talagang ayusin.

Kawawa naman aniya ang mga pasahero na siyang pinaka apektado sa strike.

Ayon naman kay Elvira Medina, chairperson ng National Center for Commuter Safety and Protection, nakikipag-ugnayan na sila sa mga lokal na pamahalaan para sa suporta sa mga maaapektuhang pasahero.

Nagpahayag rin ng pagkadismaya si Medina sa grupong Manibela na sa kabila ng mismong si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na ang nakiusap ay ayaw magpatinag ng mga ito.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.