PLANO na rin ng pamahalaang lungsod ng Maynila na magsagawa ng “drive-thru COVID-19 vaccination” para sa mga residente nilang senior citizens at persons with disabilities (PWDs).
Sinabi ni Manila Mayor Francisco Domagoso na nakalatag na ito para sa mga senior citizens at mga may kapansanan bilang konsiderasyon sa kanilang kalagayan.
Pero dahil sa kakulangan ng suplay ng mga bakuna kontra COVID-19 ay hindi pa ito maipapatupad sa ngayon.
Ayon kay Domagoso, mayroon namang mga vaccination sites sa anim na distrito sa lungsod.
Bukod dito mayroon na ring “home service” o bahay-bahay na bakunahan para sa mga bed-ridden na mga residente.
Patuloy namang hinihimok ng alkalde ang mga Manileño na magpa-rehistro para sa bakunahan.
Base sa pinaka-huling tala mula sa manilacovid19vaccine.ph, aabot na sa higit 318,000 ang pre-registered.
Ang mga indibidwal naman na nakakuha na ng ikalawang dose ng COVID-19 vaccine ay umabot na sa higit 14,000.

