IDINEKLARA na ng City Board of Canvassers (CBOC) ng Commission on Elections (Comelec) sina Francisco “Isko Moreno” Domagoso, at ang running mate nito na si Chi Atienza bilang Mayor-elect at Vice Mayor-elect ng lungsod ng Maynila.
Ang tinawag na “Isko-Chi” tandem sa halalan ay nagwagi at may napakalaking lamang sa boto laban sa kanilang mga katunggali.
Nakamit ni Domagoso ang kabuuang 530,825 na boto kumpara kina incumbent Mayor Honey Lacuna-Pangan, na may 190,607 na boto at si Sam Versoza, na maaga namang nag-concede, ay nakakuha ng 164,434 na mga boto.
Sa karera bilang Vice Mayor, nakakuha si Atienza ng 583,124 na boto samantalang nakapagtala naman ng 249,538 na boto si incumbent Vice Mayor Yul Servo Nieto.
Ang bilang ng mga boto ay inilabas alas-7 ng gabi kahapon, araw ng Martes.
Sa isang panayam, nagpasalamat si Domagoso sa buong suporta na ibinigay at muling ipinagkatiwala ng mga batang Maynila at ng mga lolo’t lola sa kanya.
Pinasalamatan din niya ang mga Kababaihan ng Maynila, KABAKA, ang Kaagapay at lahat ng volunteer.
“Marami sa mga kasama namin ang hiningi po na kayo’y magtiwala na we are more than willing to give you government that will give you good governance,” pahayag ni Domagoso, na kilala sa bansag na “Yorme.”
“Ang isang gobyerno na makikinig sa inyo ipaglalaban ng boses niyo– maraming salamat dahil nandito po kami ngayon at makakaasa kayo na sa aming mga pinangako magdedeliver po kami,” dagdag pa niya.
“I hope in the coming weeks, come and join us. Let’s rebuild Manila to have a better place for us maybe but definitely let’s do this for the next generation,” pagtatapos nito.

