SINABI ng Commission on Elections (Comelec) na maaari na itong magproklama ngayong linggo ng 12 nanalong senador sa katatapos lamang na May 12 midterm elections.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, umaasa sila na makakapag-proklama sila sa Biyernes o sa Sabado.
Nakatakdang makatanggap ang poll body ng kabuuang 175 Certificate of Canvas (COC) kabilang ang mula sa overseas voting. Ang inisyal na batch ng 30 ay dumating na noong Martes.
Muling nagpulong ang Comelec, na nagsisilbi bilang National Board of Canvassers (NBOC), noong Martes para simulan ang canvassing ng mga boto para sa mga senador at party-list group.
Unang na-canvass ay ang mga COC mula sa local absentee voting sa Baguio City at Ifugao.
Dumating din at na-canvass ang mga COC mua sa Timor-Leste, Brunei, Cambodia, Japan, Myanmar at Singapore.
Sinabi ni Comelec spokesperson Atty. John Rex Laudiangco na ilalabas nila ang partial official tally ng mga boto simula MIyerkules batay sa mga COC na na-canvass mula noong nakaraang araw.

