Pinag-iingat ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang publiko laban sa mga bogus Facebook page na nangangako ng cash at iba pang papremyo kapalit ng “likes” at “shares,” gayundin ang mga nag-aalok ng trabaho.
“Verify the registration of such companies with appropriate government agencies before engaging with them, especially in providing information,” babala ng labor department.
Ang babala ay kasunod ng reklamo laban sa isang kumpanya na pinangalanang “Eternal Investment” na umano’y naghihikayat ng mga tao sa Facebook at itatalaga sila sa isang posisyon bilang isang bulontaryo o commission basis.
Ang mga recruit umano ay bibigyan ng posisyon bilang executive, manager, at graphic artist.
Sa reklamo, sinasabing ang Eternal Investment ay minamanipula ang mga indibidwal na hindi nagbabayad ng tamang dues base sa output ng volunteer.
Sa pakikipag-ugnayan ng DOLE sa Department of Trade and Industry (DTI), natuklasan na ang Eternal Investment ay wala sa listahan ng mga rehistradong negosyo ng DTI.
Hindi rin rehistrado sa Securities and Exchange Commission (SEC) ang nasabing kumpanya.
Upang maprotektahan naman ang publiko, dinala ng Bureau of Local Employment ang reklamo sa Enforcement and Investor Protection Department ng SEC para sa mas malawak na pag-iimbestiga.