WALANG naitala o naobserbahan ang Department of Health (DOH) na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa mga lugar ng pinagdausan ng siksikang campaign sorties at aktibidad ng mga kandidato para sa halalan sa 2022.
Gayunman, aminado si DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa pagkabahala na may mga dumalo sa ilang malakihang pagtitipon ng mga kandidato at partido pulitikal ang hindi nakasuot ng face mask at walang physical distancing.
Mas makabubuti sana aniya kung ang lahat ng mga nagtutungo sa campaign sorties ay bakunado na upang makabawas sa agam-agam ng hawaan.
Muling nagpaalala si Vergeire sa mga dumadalo sa campaign rallies na iwasang mag-alis ng face mask at magpabakuna muna para sa kanilang proteksyon.
Nakiusap din ang DOH official sa mga senior citizen o nakatatanda at immuno-compromised na huwag na lamang dumalo sa mga pagtitipon ng kandidato upang hindi magkasakit.

